Pages

August 10, 2020

GCash Nagbabala Laban sa SAP Social Media Scam: “Wag Ibigay ang MPIN sa Kahit Kanino”


Nag-abiso ang GCash laban sa panibagong modus na tumatarget sa mga kostumer nito na nakatanggap ng ayuda mula sa DSWD.

Sa pamamagitan ng mga pekeng Facebook pages at text messages, ang mga scammer ay nagpapanggap na mga empleyado ng DSWD at hihingin sa biktima ang mga detalye ng kanilang GCash account, tulad ng MPIN (Mobile Personal Idenfication Number) at OTP (One-Time Password), at gagamitin ang account ng mga ito para kuhanin ang perang laman.

Ang MPIN ay ang apat (4) na numero na nagsisilbing password ng isang GCash account, samantalang ang OTP naman ay ang anim (6) na numero na nagsisilbing password na magkukumpirma na inootorisa ng isang kostumer ang isang transaksyon.

Maaaring maiwasan ang mga scam na ito sa pamamagitan lamang ng hindi pagbibigay ng MPIN o OTP ng GCash account ng isang user, sa kahit kaninong tao.

Babala ng GCash President and CEO na si Martha Sazon, “Ang GCash at DSWD ay kailanman, hinding-hindi hihingin ang detalye po ng inyong GCash account, tulad ng inyong MPIN o OTP. Huwag na huwag po ninyong ibibigay ito kahit kanino, kahit sa mga taong di umano’y empleyado namin o ng DSWD. Dapat po ay kayo lamang ang nakaka-alam nyan.”

“Kami sa GCash ay patuloy po na nakikipagtulungan sa DSWD para sa mabilis, segurado, at maayos na distribusyon ng ayuda para sa ating mga kapwa Pilipino. Nananawagan po kami sa mga kwalipikadong makatanggap ng ayuda mula sa DSWD na gumawa na ng GCash account at ipa-KYC verify ang mga account na ito para sa mas madaling pagkuha,” dagdag pa ni Sazon.

Maaari ding i-report ng mga kostumer ng GCash o mga recipient ng DSWD ang mga makikita nilang pekeng Facebook page na kanilang matatagpuan sa pamamagitan ng pagpunta sa help.gcash.com, o sa pagtawag sa hotline ng DSWD landline 16545 at Globe mobile number 0916-247-1194.

Pinag-iingat din ng GCash ang mga kostumer nito sa pagkausap sa mga pekeng Twitter account na nagpapanggap na GCash, o sa pagbubukas ng mga pekeng website na natatanggap nila galing sa mga text messages. Ang opisyal na customer support lamang ng GCash ay matatagpuan sa help.gcash.com at wala nang iba pa. Ang opisyal na website naman ng GCash ay matatagpuan sa www.gcash.com.

Nirerekomenda ng GCash ang regular na pagpapalit ng MPIN ng mga kostumer nito para sa kanilang seguridad. #SecurePH #IwasScam

No comments:

Post a Comment